Tuesday, February 17, 2015

Bullying

by: Jewel Divine “Apple” Ramos

Ang ma-bully ay hindi basta-basta dahil lagi kang aasarin, aawayin at minsan umaabot pa sa puntong sinasaktan ka na ng nambu-bully sayo. Masakit isipin na sa panahon ngayon marami na ang involve sa ganitong klase ng pang aapi. Ngunit alam ba natin na sa kabila ng pananakit o pang bu-bullyng isang bata ay may kaakibat na resposibilidad ng mga magulang na hindi nila nagampanan?


Pang-aabang sa labas ng eskwelehan, panghihingi ng sapilitan, pang-aamba o pananakot at pang-aasar, ilan lang ito sa mga gawain ng mga nambu-bully. Mga gawaing sa unang tingin mo pa lang ay mali na. Kapag tinanong mo ang mga batang gumagawa nito ng dahilan kung bakit sila nambu-bully, ang madalas na sagot nila ay “wala lang”. Napaka simple, subalit, ang kanilang sagot ay may mas malalim pa na dahilan. Ang akala nila sa sarili nila ay nang-ttrip lang sila subalit, ang hindi nila alam ito ay bunga rin ng kakulangan nila ng atensyon mula sa kanilang pamilya. At ito ay nadadala nila maging sa kanilang paaralan. Minsan pa nga mayroong mga kabataang tahimik lang sa kanilang tahanan na akala mo ay di makabasag pinggan subalit sila pa ang nangunguna sa kalokohan sa kanilang paaralan.



Wikibully From Wikimedia

Ang pagiging spoiled brat o pagiging sunod sa layaw ng isang bata ang isa sa mga dahilan kung bakit sila nagiging bully. At dahil nga spoiled sila lahat ng gusto nila ay nakukuha nila at nasusunod kaya kapag hindi mo sila sinunod ay magagalit sila at pag-ttripan ka na. Isa rin sa mga dahilan ng pangbu-bully ng isang bata ay kapag hindi sila nakaka ramdam ng pagmamahal mula sa kanilang pamilya at kapag hindi sila nabibigyan ng atensyon.


Ang mga batang ginagamitan ng sobra-sobrang pananakit ay kalaunan nagiging mapanakit narin sa kaibigan o kamg-aaral. Ito ay dahil sa ang nararanasan nilang pisikal na pananakit ay ginagawa rin naman nila sa iba. Isa sa mga halimbawa nito ay ang nakikitang pagsasakitan ng kanila mismong mga magulang. At ang pinaka ugat ng lahat ay ang kawalan ng spiritual guidance ng pamilya. Ang kawalan ng gabay ng Panginoon ay kawalan din ng direksyon ng pamilya. Ito ay nag dudulot din ng kawalan ng tunay na pag mamahalan at pag bibigayan sa loob ng tahanan. At ang mga ito nga ang nagiging sanhi ng hindi pag kakaunawaan, hindi pag kikibuan at hindi pag papahalaga ng bawat miyembro ng pamilya. Ito rin ay maaari ring humantong sa pag rerebelde ng mga anak upang sila ay mabigyang pansin at importansya ng kanilang mga magulang at ng mga tao sa kanilang paligid. 


Bullying on Instituto Regional Federico Errázuriz (IRFE) in March 5, 2007
From Wikimedia

Ang mga anak ay madalas na hindi mapagtuunan ng pansin ng kanilang mga magulang dahil sa kaabalahan sa trabaho. Sakabila na ang kanilang pag hahanap buhay ay para rin naman sa kanilang mga anak, ang sobrang kaabalahan naman ay hindi rin nakakabuti sa kanilang mga anak.



Napakahalaga sa isang pamilya ang komunikasyon upang mapanatili ang malusog na relasyon ng bawat miyembro ng pamilya. Kailangan rin na pantay-pantay ang pagtingin ng bawat miyembro ng pamilya sa isat-isa. At higit sa lahat, huwag kakalimutan na ang bawat indibidwal at pamilya ay kailangan ng patnubay ng Panginoon. Ang Panginoon na syang may likha sa bawat isa, ang sya ring nag papanatili ng katatagan at pagmamahalan ng bawat pamilya.


No comments:

Post a Comment